Sen. De Lima: Iginiit na hindi totoo ang sex video



Kasabay ng pagtanggi na may kinalaman siya sa anumang transaksyon tungkol sa iligal na droga, sinagot din ni Senadora Leila De Lima nitong Sabado ang tanong kung siya ang babae sa mga malalaswang larawan na kumakalat sa social media na umano'y kuha mula sa isang sex video.

Sa pulong balitaan nitong Sabado sa Quezon City, idinepensa ni De Lima ang sarili sa mga alegasyon na tumanggap umano siya ng pera mula sa mga drug lord na nasa New Bilibid Prison (NBP).

Aniya, ang mga naturang alegasyon ay matagal na niyang itinanggi pero paulit-ulit na inilalabas gaya ng umano'y sex tape na iniuugnay sa kaniya. "Masakit din yung mga tungkol sa mga personal na buhay na kinukutsa ka bilang babae, at tingnan n'yo rine-revive na naman ang so-called, alleged sex video na 'yan," hinanakit niya.

"Matagal na po 'yang sex video na 'yan, alleged sex video. Hindi po totoo yung sex video na 'yan," dagdag niya. Unang mapabalita ang naturang umano'y sex tape nang magpahayag ng pagkontra sa Commission on Appointments (CA) ang whistleblower na si Sandra Cam sa kompirmasyon ni De Lima bilang kalihim ng justice department noon 2014.

Puna ni De Lima, inilalabas ang naturang usapin sa umano'y sex tape tuwing mayroon high-profile cases na iniimbestigahan na kasama siya. "I noticed, every time I'm in the middle of something, a high-profile investigation, a high-profile case, na ako ang nasa sentro, nilalabas nila ang so-called alleged sex video na 'yan. Magpapa-text blast sila," ani De Lima.

Sakabila ng mga kumakalat na larawan, tinanong ni De Lima ang mga mamamahayag kung mayroon talagang "video" ang naturang sex tape na iniuugnay kaniya. "Nakita n'yo na ho ba yung sex video na 'yan? Meron bang sex video? Sabi ng aking staff ang nakita nila is parang 'still', still photo of what is being made to appear as a video," saad ni De Lima, sabay sabing hindi niya nakita ang mga malaswang larawan.

Pero base umano sa pagsusuri ng kaniyang staff sa naturang mga larawan, kombinsido ang kaniyang mga tauhan na siya ang babae sa larawan. "Sabi ng staff ko if I may share, in-examine daw nila nang husto yung picture na 'yan, halata naman daw na hindi ako yung babae dun," patuloy ni De Lima pero tumanggi siyang sabihin kung ano ang naging batayan ng kaniyang staff.

"I will not tell you anymore the details kung bakit hindi ako ang babae doon sa tingin ng aking mga staff. It's too low kung sasabihin ko pa 'yon," aniya.

Tumanggi na rin si De Lima na sagutin ang mga tanong tungkol kay Cam na ayaw umano niyang bigyan ng pansin. "Ang attitude ko sa kanya ay hindi ko siya pinapansin," saad niya.

H/T: gmanewsonline

No comments

Powered by Blogger.