P88M halaga ng shabu, nasabat mula sa bahay ni Espinosa sa Leyte



Nakuha ng mga awtoridad ang aabot sa P88 milyon halaga ng shabu, kabilang ang mga bomb component, sa kanilang paghalughog sa bahay ni Albuera Mayor Ronaldo Espinosa Jr. sa Leyte, maaga nitong Miyerkules.

Sinalakay ng pinagsamang mga elemento ng local Albuera police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang bahay ng drug suspect sa Sitio Tinago Dos sa Barangay Benolho dakong alas-5 ng umaga.

Natuklasan sa loob ng isang kabinet sa kusina ng bahay ang mga plastic bag na naglalaman ng umano'y shabu.

Ayon sa pagtataya ng mga awtoridad, aabot sa P88 milyon ang halaba ng mga kontrabando na natagpuan doon.

Nasabat din ng mga pulis ang mga ammonium nitrate, blasting caps, firing wires at black powder mula sa bahay. Ayon kay Chief Inspector Jovie Espenido, hepe ng Albuera police, nakakuha sila ng search warrant para sa ancestral home ng mga Espinosa matapos magpositibo ito sa impormasyon na may kilo-kilong shabu na nakaimbak doon.

Dagdag pa ni Espenido, mga tauhan mismo ni Espinosa na nahuli ng mga pulis ang nagbigay ng impormasyon, kaya naisakatuparan ang raid. Itutuloy-tuloy umano nila ang raid sa mga property ni Espinosa kapag nakakuha na sila ng search warrants para sa mga ito, ayon kay Espenido. Ayon sa isa sa mga nahuling tauhan ni Espinosa, maraming nakaimbak na mga armas ang alkalde sa ilang mga bahay nito sa Leyte.

Sumuko si Espinosa kay PNP chief Director General Roland "Bato" dela Rosa noong nakaraang linggo matapos bigyan ng ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumuko na ito. Pinatira pa sandali sa White House ng Camp Crame ang sumukong alkade. Habang nasa Maynila si Espinosa, anim ng mga umano'y tauhan niya ang napatay ng mga pulis sa isang raid sa Albuera, sa bakbakang nangyari labas sa mga bahay ni Espinosa sa Barangay Benolho.

Pinaalis ni Dela Rosa si Espinosa sa White House matapos mabigong sumuko ang anak ng alkalde na si Kerwin, pinaghihinalaan ding isang drug lord. Ayon sa mga ulat, nasa isang ospital sa Cebu namamalagi si mayor Espinosa.

Hindi pa malaman kung kakasuhan na ng mga pulis si Espinosa dahil sa mga nasabat na bulto ng droga at mga pampasabog sa bahay nito sa Leyte nitong araw.

H/T: gmanewsonline

No comments

Powered by Blogger.